Wednesday, April 7, 2010

PINILAKANG TABING ( bakit nga ba ganito ang tawag dito?)

Nakakatuwa nga naman noh, ka chat ko ang isang kaibigan na naka base na sa Singapore kasama ang kanyang minamahal na asawa, at naisip ko ang ilang mga bagay-bagay.

Isa kase sya sa mga kaututang dila ko nung siya ay nananatili pa lamang dito sa Pilipinas, isa sa mga nakakita kung paano ako kalakas humagalpak ng tawa, kaarteng umiyak, halos magpakaluka-luka sa damuhong  love love na yan at kung ano -ano pa. Kasama ko sya sa mga yugto ng buhay ko nung ako ay nasa rurok ng pagkakilig at kahit na nung sumalampak sa lupa dahil sa pagiging broken hearted. Pati na din sa mga agos ng buhay pag-aaral ng narsing, pagkalito kung ano nga bang daan ang tatahakin ko, at sa mga tagumpay at pag kabigo sa buhay. Hindi ko na din matandaan ang dami ng mga litratong aming pinagkukukuha gamit ang iba't -ibang klaseng kamera ( isama mo na ang perpektong 10 shots) Alam din nya halos lahat ng mga climax ng buhay ko at walang sawang nakikinig sa pagdaldal ko, sa dulo ay yayakapin namin ang katahimikan at ipagdadasal nya ako ng bukal sa puso. Naging saksi din ako sa kanyang buhay pag-ibig,akalain mong naka deyt ko pa isang Valentines ang ngayon ay asawa na nya *lol*  pero yun naman ay katuwaan lang, desperado na ata ang mga kaibigan ko sa SFC na ako ay makahanap ng isang matinee idol.. bwuahahaha... mabalik tayo, kaya naman ako ay nalungkot ng todo ng sinabi niyang aalis sila papunta sa ibang bansa at doon ay hahanapin ang kapalaran. Hindi sya ang unang kaibigan kong umalis ng bansa at tuwing may mga gantong pangyayari lagi ko na lamang natatanong bakit kailangan pa nilang gawin ang mga bagay na yun, pagbabago. Nakakalungkot pero sabi nila ay kailangan kaya ayun hahagulhol na lang ako... meron ata ako nung tinatawag nilang "separation anxiety"? Wala naman siguro, iyakin lang talaga ako.


Naku, napakadami ko pang naalala .. pero kanina habang kausap ko sya gamit ang YM ( di nyo na maitatatanong ay ako ang magiging emcee nila sa kanilang Church Wedding *ayus*)  nagdidiskusyon kami ng mga wedding  supplier. Napatulala ako ng ilang segundo, dati rati naman ay walang mga ganito..


FLASHBACK : Lalo na doon sa amin sa probinsya, tuwing salo-salo lalo na pag kasalan,alam mo na agad dahil nakabalandra na ang mga dahon ng punong niyog sa garahe, sa gitna ng damuhan na lagyan mo lamang ng mga lamesa at silya ay tuo ka namang "wedding reception" nang matawag. Ibang lebel din ang sayawan sa gabi ng kasal at ang sabugan ng pera kinaumagahan na umaabot ng hanggang isang milyon kung papalarin, naku napakdaming suman ang kapalit noon! Masaya na ang lahat sa salo-salo at ang bagong kasal ay hayun sa gitna kasama ang iba sa presidential table, at sa likudan nila ang styro na desayn kung saan ang pangalan nila ay nakaukit - halimbawa : Pakundo & Amorsilya, may kasama pang puso-puso na may silver glitters sa gilid. Hay naku, simple lang subalit ngayon.. iba na..kadami ng echebureche,  anik-anik at detalye.

Ang point ko lang naman, ang bilis talaga magbago ng mga bagay (ang excess fat lang yata sa ibaba ng kaliwang mata ko ang hindi nawawala!)  Ang sungki kong mga ngipin ay naayos na, naka dalawa pa akong tinapos na kurso subalit iba naman ang naging linya ko, ang bahay namin sa probinsya ay naglevel up na, hindi na ako naghahakot ng tubig sa aming  balon, naranasan ko na din ang pagdadalaga, lumandi na din kahit paano, iba't-ibang grupo na ng mga kaibigan ang nakilala ko, pati ang halakhak ko ay nag mature na, mga priority sa buhay iba na din, kahit ang paborito kong kulay nadadagdagan, kulang na lang ay i-declare ko na talagang ROYGBIV!

Lahat ng ito naisip ko kanina habang kausap ko ang aking kaibigan, dati rati kasi ay puro kadramahan sa buhay ang pinaguusapan namin, mas madalas na ako lang ang nagsasalita, iba-ibang yugto sa buhay at kanina ay iba na naman ang aming subject. Kahit sa panaginip ay hindi ko inaakalang pinaguusapan na namin ulit ang mga maseselang bagay sa mga buhay namin, pero ang kaibihan. iba na ang mga karakter. ( Ano ba namang iPod ito...bigla-biglang tumugtog ang Lumayo Ka Man Sa Akin na dati-rati ay kanta ni Rodel Naval pero dahil uso ang remake ay eto't si Bugoy Drilon na ang umaawit..hahayaan ko na lang na background music ito habang itutuloy ko ang akong pagsulat)  Noon ay puro antagonist ang diskusyon namin, aba't mantakin mong mga bida naman ngayon! Hay Buhay, talagang isang engrandeng pelikula ( sa mga hayuk sa telebisyon - ang tawag dito ay  telenovela pero  mas matindi yung iba - Koreanovela) Lagi nating ini-imagine na tayo ang bida, ang inaapi, ang naghihirap, ang binibigyan ng uber daming pagsubok (parang ako noong bata pa lang, mga 7 yrs.old- akala ko sakin lang gumagalaw ang mundo, sakin ang spotlight at lahat ay mga extra lang. Napatunayan ko na nga atang baliw talaga ako. Napakaganda ko naman baliw kung ganun! :P ) at ayan na nga tayo ay naghihintay ng ating magandang wakas - pwedeng rags to riches, nakapangasawa ng matandang  mayaman , nakakita ang passion, nabuo ang pamilya, nagising sa katotohanang si John Lloyd Cruz ay isang suntok sa buwan (malay natin!), natuklasan ang tamang daan, nakapasok sa bahay ni kuya, nakita si Bro at the best talaga at patok na patok sa karamihan ay  pag nakita na ang one tru lab! *panis*  napakadaming pwedeng maging happily ever after kahit lagyan mo pa ng eksenang  nakatanglaw sa buwan at may background music  na nanggagaling sa videoke ng kapitbahay. Pero naku, lahat ito nahuhubog sa iisang bagay lamang.... PAGBABAGO. Kung gaga ka dati, eh di wag ka ng magpaka gaga ngayon, ganun lang yun. Hindi ko nga alam paano ko wawakasan ang panulat na ito, hindi ko din alam kung may sense, pampalipas oras lang habang hinihintay ang huling batch ng labahan ko. Pero siguro iiwan ko na lang bukas ang ending, bahala na kayo paano nyo gusto tapusin ang ating kanya-kanyang palabas. Flop man or blockbuster kayo na ang magkakasagot nyan....


Sa aking kaibigan, congrats sa nalalapit na kasal, alam ko masaya ka :) masaya din kami para sayo. Hayaan mo't sa kaarawan mo ay bibigyan din kita ng sarili mo ng espasyo dito sa aking mumunting paraiso. Hanggang sa susunod na kabanata..mahaba-haba pa ang lalakbayin nating lahat bago marating ang pinilakang tabing.

No comments:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...