Sunday, September 27, 2009

dear ondoy

Sept. 26, 2009 10:00AM

Masakit man sa loob kong manatili sa loob ng pamamahay, wala akong magawa sa hagupit na iyong dulot. Hinahayaan ko na lamang magmuni-muni ng nakaraan habang pinapanood ko ang galit mo. Hinahayaan ko na lamang kumalam ang sikmura sa di mo paghintulot na lumabas ako sa kawalan. Pero Ondoy....

Kahit paano'y aking naalala ang aking kabataan ng ako'y masayang naliligo sa gitna ng malakas na ulan. Tila ba isa iyong bawat patak ay nanumbalik ang kaligayang natatamo noong panahong wala pa akong problema kundi paano mananalo sa patentero o di kaya'y magwawagi sa chinese garter or jackstone.

Gustuhin ko mang itulog ang nalalabing oras ng araw ay hindi maari, nabalitaan ko na ang hagupit mo sa ibang lugar dito sa kamaynilaan :( at nakakalungkot na madaming naapektuhan, nagugutom, binabaha o di kaya nama'y nagbubuwis ng buhay

Ito na ba ang ganti ng kalikasan? Bata pa lang ako itinuturo na sa aming paaralan ang wastong pagtapon ng basura, ang masamang epekto ng pagputol ng mga puno sa kabundukan at nitong mga huli ay ang sinasabi nilang "global warming" ...madami pang iba pero sa dulo ng lahat iisa lamang ang dahilan.. ang pang aabuso sa inang kalikasan. Naalala ko pa ang mga cartolina na aking ginuguhitan at kinukulayan, mga larawan ng mundo at mga batang nag hahawak kamay, kalapating may tangay na berdeng dahon, o di kaya naman ay ang mga makabagbagdamdaming mga linya na nanghihimok na alagaan ang kalikasan.

Madaming taon na ang lumipas, naging "classic" na ang Shaider at Bioman, pati bandang Eraserheads ay bahagi na lamang ng nakaraan ngunit hindi pa din nagigising ang tao sa katotohanan na ibang magalit ang Inang Kalikasan.

Sana tama na Ondoy, itigil mo na ang pag-ulan dahil madami ng naapektuhan...

Ondoy's wrath courtesy of Pag-asa DOST





 

No comments:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...