Thursday, June 23, 2005

"manong bayad po..."


Nakakaburaot talaga. Tsk! Tanghaling tapat ako umalis ng bahay upang pumasok sa eskwela. Napakainit talaga. Nakalimutan kong dalhin ang aking pamaypay na anahaw kung kaya naman nagtiyaga na lamang ako sa kapirasong papel na nagsilbing aking pamatid sa mainit na panahon. Nag jeep lang ako. Mahal na ang sumakay sa tren. Mahal na din sa jeep pero mas tipid pa din. Nagiipon ako ngayon kaya kailangang magtiis. Pagdating sa eskwela, walang ibang ginawa ang propesor ko kundi magpasulat ng magpasulat sa kuwaderno gamit gamit ang kanyang “high-tech” na laptop. Apat na oras ng walang patid na sulat dito at sulat doon. Ang isang daang pahina ng bagong bili kong kuwaderno ay nangalahati na.


 


            Ika- anim na ng gabi ng matapos ang leksyon ko, nagmamadali akong umalis ng eskwelahan dahil may ensayo pa ako ng alas syete ng gabi ding yaon. Pagtapak ko sa labas ay di ko mawari kung talaga bang lumulubog na ang araw o di kaya’y dala lamang ng maitim ng ulap ang kadilimang bumabalot sa paligid ko. Kidlat! Kulog! Naku, uulan na naman ng malakas. Binuksan ko ang aking payong, at napailing na lamang ako ng maalala kong gutay-gutay na nga pala ang payong na aking binitbit.  Kakabili ko lang nito noong isang araw sa halagang Isaang daan at dalawampung piso. Matapos kong gamitin ng dalawang beses ay di ito nagwagi sa malakas na hangin. Sayang ..pero sa mga oras na yon, ginamit ko pa din ang payong sa pagbabakasakaling maisalba ko man lang ang pagkalugi ko dito.


 


            Maynila ito. Malakas ang ulan. Baha. Trapiko. At hindi nga ako nagkamali, pinagtiisan ko na lamang sumandal sa bakal na namamagitan sa bintana ng jeep. Niyapos ang aking sisidlan ng gamit at sabay ipinikit ang mga mata. Sayang naman ang oras. Tulog. Saan ka ba naman nakatana ng ganitong pangyayari, na ng ipikit mo ang mata mo at pagdilat mo matapos ang 30 minuto ay nandoon pa din ang jeep sa kinasasadlakan nito sa prehong lugar. Trapiko..trapiko! Nangigitata na ako. At huli na ng malaman kong ibang ruta pa pala ang dinaanan ng pampasaherong jeep na sinakyan ko. Matapos ang dalawang oras ay nasa huli sa tatlong sakay ng jeep na ako. Pagsakay ko ay halos kalahati na lamang ng likudan ko ang nakalasap ng upuan. Hindi ito ang  unang beses, akala yata ng driver ay pang singkwenta ang jeep nila. Magbabayad na sana ako ng humirit ang katapat ko “ Manong sukli sa bente. Tatlo” At humagalpak ng tawa ang nagmamaneho ng jeep – “ kulang pa nga ng piso eh!” At naalala ko na, tumaas na nga pala ulit ang pamasahe. May lalaki pang bumanat “ Baka naman peke ang taripa mo” Tawanan. At si Lola na katabi ko – “ Hindi pa naman na aaprub yan noh!” sabay abot ng kanyang Limang piso.


 


Wala lang..napailing lang talaga ako. Maynila nga ito. Mga Pilipino. Pero sabi ko sa sarili ko… pinagpapala pa din tayo. Ang bansang Pilipinas ay Bayan ng Diyos. Dito ko gustong tumanda. Araw ng Maynila bukas. Maynila Mahalin natin. Atin ito.Tama nga naman si Mayor.


 


Pilipino ako. –  “Manong bayad po” Sabay abot ko ng anim na piso.

2 comments:

Vanessa Grace Virtudazo said...

best entry ever :P... i dont know, there something about this entry that makes it so exciting and easy to read...
and about the fare... grabe! imagine, 7.50p!
mamumundok na lang ako at magtatanim na lang ako ng kamote!

sweet casuyon said...

sabay tayo! hehehe

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...